Tuesday, January 11, 2011

NATUTUKAN NA PINAGTATAWANAN PA

Unang araw ng eskwela sa ikalawang taon ko sa kolehiyo. Pagkapasok ko sa aming silid-aralan, kaagad akong sumigaw kasabay ng agos ng luhang tila walang katapusan. Takot na takot na hawak ang cell phone. Iniuntog ko ang ulo ko at hinampas ang pader na walang kalaban-laban na parang bang nababaliw at kailangan ng ikulong sa pulang bubong sa Bataan. Lahat nagulat. Lahat nagtaka. Marahil yung iba pa nga ay nainis sa ingay na aking ibinungad sa kanila.

“Ano ba’ng nangyare?” tanong ng aking kamag-aral habang tinatawagan ko ang aking nakatatandang kapatid na babae.

Sumagot na ang aking ate, “Oh, bakit?”

“Nahold-up ako ate!” ang sagot ko habang nanginginig sa takot.

“Huh? Pano nangyare ‘yon?” tanong ng aking kapatid.

“Pagkapuno ng sinasakyan kong jeep sa Lawton, may dalawang batang lalake na sumabit na biglang naglabas ng matalim na kutsilyo at itinutok sa amin isa-isa.”

Sabi pa nung isa, “Pasensya na, nangangailangan lang.”

“Nakaupo ako sa gitna. Halos puro babae ang pasahero. Meron mang lalake, malambot naman. Akala ko pa nga nasa ‘Wow Mali’ ako. Hinihintay kong may lumabas at sabihing ‘tingnan niyo ang camera’. Pero nung nasa tulay na kami, doon ko naramdamang seryoso na pala. Totoo na pala.”

Gulat na gulat ang aking ate pati na rin ang aking mga kamag-aral na nakikinig habang ako’y nagsasalita. Hindi ko maintindihan kung bakit bakas sa kanilang mga mukha ang pagtataka.

Iniisip ko, “bakit parang ayaw nila akong paniwalaan?”

Hindi ko maramdaman ang awa at pag-aalala na dapat sana’y ipinapadama sa taong walang malay na sumakay ng jeep at biglang tinutukan ng kutsilyo habang nag-iisip at humihiling na sana’y mayroon siyang gwapong kaklaseng makatabi sa bagong taon ng kanyang pag-aaral.

“Totoo? Anong nakuha sayo?” nagtatakang tanong ng aking ate.

“Nakuha ang buong bag nung ate sa may pintuan. Nung una cell phone at pitaka lang pero dahil nanlaban yung katabi ko gamit ang baon niyang pepper spray nasaksak nung bata yung babae sa may pintuan at pilit kinuha ang kanyang bag.”

“Oh? Pero ano ngang nakuha sayo?”

“Wala?” ang nagtataka kong sagot.

Noon ko lang naisip at naintindihan kung bakit habang inilalahad ko ang para sa aki’y nakakatakot na istorya ay kaharap ko ang mga taong takang taka at pigil na pigil sa pagtawa. Hindi nga naman pala maituturing na hold-up ang nangyare. Kung iispin, wala akong karapatang sumigaw at mag-iiyak dahil wala nga palang nakuha sa akin. Hawak ko nga pala ang aking cell phone na regalo pa sa akin ng aking mga magulang nang magtapos ako ng haiskul. Nasa bag ko ang pitaka ko laman ang baon kong ipambibili ko sana ng almusal. Nasa akin din ang pinakaiingatan kong I.D. na madalas kasamang nakukuha sa mga estudyanteng, katulad ko, ay natutukan. Walang dugong sumisirit sakin dahil hindi naman ako ang nasaksak ng kutsilyong itinutok sa amin ng batang nangangailangan.

Wala. Walang nangyareng masama sa akin. Natutukan ako. Buhay pa ako. Nakapagsasalita, kausap ang aking ate at aking mga kamag-aral. Mayroong pambili ng almusal at I.D. na ipinangswipe para makapasok sa gusali ng aming eskwelahan.

Ang tanging nasabi ko na lang sa aking ate at sa aking mga kamag-aral, “Hindi pala ako nahold-up. Akala ko lang.”

No comments: