Friday, June 3, 2011

1k for 1day

Napaka-ikli ng buhay ng isang tao para tanggihan ang isang araw ng pagtulong sa nakararami. At sa araw ng 1Kfor1day, lalo kong napatunayan na tama lang na pinili ko ang isang araw sa ilalim ng initan habang nagbubuhat ng hallow blocks kesa sa isang araw na nakatungangang aking nakagawian.
Sa aga ng aming call time, di nawala sa aking isipan na tamarin at wag na lamang pumunta. Bukod sa napakasarap na simoy ng hangin nang umagang iyon, napakasarap rin matulog at yakapin pa ang aking unan. Pasalamat na lamang at sa tuwing naaalala ko ang aking mga makakasamang kaibigan ay mabilis na nagbabago ang aking isip at muli akong nahihikayat na pumunta.
Napuno ng kwetuhan ang aming biyahe papunta sa Laguna. Mayroon din namang katulad ko na piniling manahimik at magmasid sa daan dahil ang aking katabi ay nakatulog na. Iniisip ko kung ano kaya ang daratnan namin sa aming pupuntahan? Tama nga bang construction ang sinalihan ko?  Paano naman kami gagawa ng bahay sa loob lamang ng isang araw na di mo malaman kung bubuhos ang malakas na ulan o titirik ng matagal ang sikat ng araw? Buti na lang libre ang pagkain at may bonus pang tawanan.
Nang tumigil na ang bus na aming sinasakyan, hindi ko napigilan ang maging masaya. Nagumpisa kami sa pagkain ng chiken fillet sandwich at dumiretsyo sa bahay na aming gagawin. Nakita ko ang dami ng taong nagtutulong-tulong para makagawa ng hele-helerang bahay. Karamihan hindi ko kakilala. Pinaghalu-halo ang mga tao mula sa iba’t ibang lugar at organisasyon. Tulad na lamang sa aming grupo. Hindi lahat kami ay galing sa UST. Mayroon kaming kasamang taga ibang eskwelahan at ang iba pa nga ay nakatapos na at mayroong trabaho.  Kaagad kaming nagpaturo sa isang manggagawa at saka sinimulan ang tunay na laban.
Pinagpasa-pasahan namin ang hallow blocks patungo sa loob ng bahay. Masasabi kong maliit ang bahay at ibang iba sa aking nakagawian. Parang isang kwarto na mayroong isang banyo. Tamang-tama lang sa isang maliit na pamilya. Sumunod ay pinatas namin at pinagpatong-patong ang mga hallow blocks para mabuo ang apat na pader ng bahay. Sinubok kami ng katirikan ng araw, walang hangin kaya’t tumatagaktak ang aming pawis at sinabayan pa ng pagkakaubusan ng inumin. Walang tindahan kaya lahat ng mga volunteers ay umaasa lamang sa kanya-kanyang dalang tubig at sa ipinamimigay ng mga staff na naroroon.
Pagkatapos ayusin ng kasama naming manggagawa ang aming mga ipinatas, kaagad naming sinimulan ang paghahalo ng semento. Muli kaming sinubok ng panahon. Umulan ng malakas kaya’t pinakain muna kami ng tanghalian. Sa aming pagbabalik, naapektuhan ng bahagya ang tinimpla naming semento kaya’t muling hinalo at tinimpla. Nang maayos na, sinimulan na namin ang paglalagay ng semento sa pader ng bahay. Kung titingnan, napakadali. Lagay dito, lagay doon pero kailangan mong punuin at siguraduhing tama ang pagkakalagay sa bawat hallow block. Hindi naman maaring basta na lamang gawin dahil buhay padin ang maaaring mapahamak kung hindi namin aayusin ang paglalagay ng semento.
Pagkalipas ng ilang minuto, sinabihan na kaming tapusin ang ginagawa namin dahil kailangan na naming bumalik sa Maynila. Sa puntong iyon, lahat kami ay nagulat. Ang bigat nga naman sa loob na iwan ang ginagawa namin kahit na hindi pa naman namin ito lubusang natatapos. Napakabilis ng oras. Kung kalian pa nga gustong gusto na namin ang ginagawa namin ay saka naman kami pinapauwe. Dahil may katigasan ang aming ulo, pinilit naming tapusin ang aming ginagawa bago umalis. Medyo nahuli pa nga kami sa pagbalik sa bus at bakas sa mukha ng aming mga kasamahan ang pagka-inis dahil sa tagal naming kumilos. Hindi namin sila masisisi, masarap nga namang umuwe at maligo pagkatapos ng lahat ng ginawa namin pero mas masarap naman siguro kung alam mong nagawa at natapos mo ang dapat mong gawin bago ka umalis.
Naalala ko ang kwento ng nakasama naming manggagawa. Sabi niya, ang bawat isang manggagawa ay kailangang makatapos ng tatlong bahay sa loob lamang ng dalawang araw. Three hundred fifty pesos kada isang araw sa kabila ng napakainit na sikat ng araw at buhos ng ulan, lahat tinitiis nila para kumita ng perang ipambibili nila ng pagkaing ihahain sa mesa. Naisip ko kung gaano ako kaswerte bilang isang estudyante na nakatira sa isang maayos na bahay at mayroong baon na natatanggap sa aking mga magulang para may magastos araw-araw at may maipambili ng mga bagay na aking magustuhan. At sa araw na ito, isang araw ng pagsasakripisyo, nagawa ko ang dapat kong gawin. Itong araw na ito ay nagsilbing pagpapasalamat ko bilang isang mamamayan at bilang isang tao.
Ano nga naman ba ang isang maghapon na masikatan ka ng araw, magalusan ng hallow blocks ang malambot at makinis mong kamay, mag-amoy putok dahil sa pawis na tumutulo sa loob ng damit, maligo sa ulan na iniiwasan mo sa isang ordinaryong araw kung alam mo namang kahit na kaunting tulong ay naibigay mo sa taong dapat gagawa ng nasabing bahay at sa tao o pamilyang ilang buwan na lamang ay doon na titira at magsisimula ng panibagong buhay? Sa araw na ito, napatunayan kong kaya kong tumulong sa isang tao at sa buong komunidad. Napatunayan kong may magagawang makabuluhan ang simpleng estudyanteng tulad ko. 

No comments: