by Kat Ongoco
sa kalsada ika'y nagtitiis
patuloy na nagtatrabaho
para ang buhay sana'y masinagan
kahit kakarampot na liwanag
kaya't ako'y madalas nahahabag
sa bawat kilos na aking ginagawa
ikaw itong puros hirap
ang nadarama, ako naman itong
pera'y nilulustay na tila walang halaga
kaya kuya, saludo ako sa iyo
di mo alintana ang panganib
maging ang alat ng bawat pawis
mabigyan lang ng ngiti
ang pinagmumulan ng lakas ng bisig
tunay kang kahanga-hanga
dapat ikaw ay hindi kinukutya
tingin ko'y higit kang pinagpala
kaysa sa karamihang
puro saya lang ang nakikita
dalangin ko'y wag mawala ang bituin
sa langit na iyong laging inaasam
ang araw ay muling masisilayan
konting tiyaga sa parating pang ulan
bisig mong subok, tiyak paparangalan.
No comments:
Post a Comment