Thursday, November 10, 2011

11/11/11

Kung ngayon ang araw na mabibigyan ako ng pagkakataon para humiling ng isang bagay na parang imposibleng mangyare, hihilingin ko parin ang aking araw-araw na hiling.

Tanging ang Panginoon ang makakarinig, makaka-alam at makaka-intindi ng aking hiling. Tanging siya ang makakasagot at makakapagpatupad ng aking hiling.Sa dami ng humihiling sa araw na ito, sa tingin ko, sapat na humiling ako ng simple. Isang bagay na alam ng Panginoon na importante sa akin sa aking pang-araw-araw. Isang bagay na hindi kakaiba. Isang bagay na normal lamang dahil alam kong kahit sa ibang araw ako humiling, kung talagang karapatdapat ako at karapatdapat sa akin ay siyang matutupad din.

Isa pa, napakadami na ng biyayang ipinagkaloob sa akin ng nasa itaas para humiling pa ako ng para sa akin lamang. Napakarami ng taong nagmamahal sa akin at aking minamahal. Napakarami ng mga taong nagpapasaya ng bawat araw ko kaya naman sinisikap kong ibalik sakanila ang sayang kanilang ibinibigay. Napakadami kong materyal na bagay na higit sa dapat kong matanggap. Napakadami ng mga karanasan ko na pinaghuhugutan ko ng lakas ng loob at ng inspirasyon para sa mga araw na susunod kong tatahakin. Lubos akong pinagpala, kumpara sa iba. Kaya naman ang aking hiling ay mananatiling ang aking ordinaryong hiling. Isang salita na hindi lamang para sa aking sarili.

Kung ang hiling na aking sasambitin ay matutupad, maraming marami pong salamat. Kung hindi naman, alam kong matutupad din sa tamang panahon, sa panahong tama at nararapat.

No comments: