Thursday, January 20, 2011

revised edition ng aking First time :)

FIRST TIME SA FIRST DAY NG KLASE

Unang araw ng eskwela sa ikalawang taon ko sa kolehiyo. Pagkapasok sa aming silid-aralan, kaagad akong sumigaw kasabay ng pag-agos ng luhang tila walang katapusan. Takot na takot na hawak ang cell phone. Iniuntog ko ang aking ulo at hinampas sa pader na walang kalaban-laban na parang bang nababaliw at kailangan ng ikulong sa pulang bubong sa Bataan. Lahat nagulat. Lahat nagtaka. Marahil yung iba pa nga ay nainis sa ingay na aking ibinungad sa kanila.

“Ano ba’ng nangyari?” tanong ng aking kamag-aral habang tinatawagan ko ang aking nakatatandang kapatid na babae.

Isang sandali pa’y sumagot na ang aking ate, “Oh, bakit?”

“Nahold-up ako ate!” ang sagot ko habang nanginginig sa takot. “Huh? Pano nangyari ‘yon?” ang gulat na tanong ng aking kapatid.

“Pagkapuno ng sinasakyan kong jeep sa Lawton, may dalawang batang lalake na bigla na lamang sumabit. Maya-maya, naglabas na ng kutsilyo yung isa at itinutok sa aming lahat habang hinihingi ang wallet at cell phone namin. Sabi pa niya, ‘Pasensya na, nangangailangan lang.’ Tila sila’y mayroong matinding pinagdadaanan kaya nila iyon ginagawa.

Nakaupo ako sa gitna. Sa kasamaang palad, halos puro babae ang mga kasamahan kong pasahero. Meron mang lalake, sila naman yung tipong hindi makakabasag ng pinggan dahil pawang malalambot at nagdududa sa taglay na kasarian. Akala ko pa nga nasa Wow Mali ako. Hinihintay kong may lumabas at magsabing “tingnan niyo ang camera”. Pero nung nasa tulay na kami, doon ko naramdamang seryoso na pala. Totoo na pala. Eto na pala ang unang beses kong matututukan at masasabihan ng kinatatakutan ng maraming “hold-up ‘to”.

Gulat na gulat ang aking ate pati na rin ang aking mga kamag-aral na nakikinig habang ako’y nagsasalita. Hindi ko maintindihan kung bakit bakas sa kanilang mga mukha ang pagtataka. Pilit kong iniisip kung bakit parang ayaw nila akong paniwalaan.

Hindi ko maramdaman ang awa at pag-aalala na dapat sana’y ipinapadama sa taong walang malay na sumakay ng jeep at biglang tinutukan ng kutsilyo habang nag-iisip at humihiling na sana’y mayroon siyang gwapong kaklaseng makatabi sa bagong taon ng kanyang pag-aaral.

“Totoo? Anong nakuha sayo?” ang tila nag-aalalang tanong ng aking ate.

“Nakuha ang buong bag nung ate sa may pintuan. Nung una cell phone at pitaka lang pero dahil nanlaban yung katabi ko gamit ang baon niyang pepper spray, nasaksak nung bata yung babae sa may pintuan at pilit kinuha ang kanyang bag. Lahat nakuha! Pinagtulungan pa nung mga nasa unahan na sipain palabas ang bata habang sumisigaw dahil sa sakit na idinulot ng pepper spray sa kanyang mga mata.”

“Oh? Pero ano ngang nakuha sayo?”

“Wala?” ang nagtataka kong sagot.

Noon ko lang naisip at naintindihan kung bakit habang inilalahad ko ang para sa aki’y nakakatakot na istorya ay kaharap ko ang mga taong takang taka at pigil na pigil sa pagtawa. Hindi nga naman pala maituturing na hold-up ang nangyari. Kung iispin, wala akong karapatang sumigaw at mag-iiyak dahil wala nga palang nakuha sa akin.

Hawak ko pa nga ang aking cell phone na regalo pa sa akin ng aking mga magulang nang magtapos ako ng haiskul. Nasa akin pa ang bag ko laman ang pitakang kalakip ang baong ipambibili ko sana ng almusal nang umagang iyon. Nasa akin din ang pinakaiingatan kong I.D. na madalas kasamang nakukuha sa mga estudyanteng, katulad ko, ay natutukan o nahohold-up sa daan. Walang dugong tumutulo mula sa akin dahil hindi naman ako ang nasaksak ng batang nangangailangan.

Wala. Walang nangyaring masama sa akin. Walang daliring nabawas. Nakapagsasalita ng maayos, kausap ang aking ate at ang aking mga kamag-aral. Mayroong pambili ng almusal at I.D. na ipinangswipe para makapasok sa gusali ng aming eskwelahan. Natutukan ngunit, sa awa ng Diyos, buhay at buo pa. Makakapag-aral, makakauwe sa aming bahay at higit sa lahat ay makikita ang mga mahal ko sa buhay, ang aking pamilya.

Ang tanging nasabi ko na lang sa aking ate at sa aking mga kamag-aral, “Hindi pala ako nahold-up. Akala ko lang.”

No comments: