Monday, August 15, 2011

Magiging Kampiyon Din Balang Araw

Di lahat ng tao magaling sa unang sabak. Di lahat ng tao nananalo sa unang laban.

Sa nalalabing araw ko sa kolehiyo, hindi ko parin lubos maisip kung bakit ako naririto? Bakit 'pa' ako naririto? Madaming beses ko ng tinangka na umalis. Madaming luha na ang nagpasakit ng aking mata. Madaminf tasa ng kape na ang naging sanhi ng pagkasakit ng tiyan. Kadalasan sa bawat gabi na ako'y nahihirapan, iniisip ko, kung hindi siguro ako tatanga-tanga noong ako'y nasa high school pa siguro masaya ako ngayon. Masaya sa larangang pinili at hindi nagsisisi, ni hindi nahihirapan.

Pero minsan naiisip ko, kung hindi ako pumasok sa mundo ko ngayon, hindi ko makikilala ang mga taong lubos na makapagpapasaya sa akin. Kahit merong ibang taong sumubok sa lakas ng kabig ng aking mahinang puso, kahit my mga taong pilit pinaiinit ang nanlalamig kong kalamnan, kahit may mga taong pinipiling kausapin ang aking katauhan sa kanilang isipan lang, kahit may mga taong hinuhusgahan ako sa bawat larawang kanilang nakikita, alam ko, at alam ng Panginoon, ibang saya ang naramdaman ko.

Dito sa aking madilim na mundo, natutunan kong imulat ang mata ko. Piliting humanap ng liwanag sa kahit pinakamadilim at sa kasulok-sulukan ng bawat silid. Para na akong nagiging isang daga, pilit humahanap ng paraan para makalabas ng buhay sa bahay na pinasukan. Pilit hinahanap ang nangangamoy na keso para maiuwe at makabusog sa nagugutom na tiyan.

Ang tanging sambit ko na lang sa aking sarili, "siguro nga, dito ako nararapat". Eto kasi ang aking kakulangan. Kulang ako sa tiyaga. Wala akong panahong magbasa o magsulat. Ni hindi ko nga alam ang tamang paglalagay ng coma maging ng ibang mga salita. Naging matalik kong kaibigan ang diksyonaryo sa dami ng salitang banyagang hindi ko minarapat intindihin noong ako'y bata pa. Karamihan pa nga, unang beses ko lang nakilala.Pakiramdam ko tuloy, isa ako sa pinakamang-mang na tao sa buong mundo.

Noong medyo bata pa ako, isang matalinong bata ang tingin sa akin ng aking mga guro at kaeskwela. Ngayong nasa kolehiyo na ako, iilan lang ang aking taga-hanga. Iilan lang ang nakakapuna sa aking mga gingawa dahil di hamak na kabilang ako sa mga ordinaryo lamang. Kung may pupuri man, iyon ay dahil sa aking pisikal na itsura. Dahil sa talentong aking ipinapakita sa tuwing ako'y tatapak sa entablado na papanuorin ng lahat.

Pero naniniwala akong hindi lang ako ang may problema sa mundo. Hindi ito ang pinakamabigat na problema. Wala naman akong cancer at malayo-layo pa ang tatahakin. Matagal-tagal pa ang oras na nalalabi. Pwede pang magbago o ipagpatuloy ang nasimulan. Pwede din namang gawin ko parin ang talagang nais gawin sa buhay hanggat kakayanin. Kailangan lamang magtiyaga, dagdagan mo pa ng lakas ng loob at higpitan ang pananalig sa nasa itaas. Alam ko, darating ang araw, na magiging kampiyon din ako sa buhay na iniikot ko. Magiging magaling at mananalo sa laban na kasing bangis at hirap ng boxing. Magiging masaya at makakapagpasaya ng mga taong aking nadaraanan sa bawat araw ng sports o laban na aking pipiliin.


No comments: