Monday, August 15, 2011

Tinik

by Kat Ongoco

Kung madalas akong nayayamot
sa boses mong gabi-gabing
nakikipagpaligsahan sa katahimikan,
siguro ang tanging dapat gawin
ay hanapin ang konsepto ng
pag-intindi sa iyong pinagdadaanan.

Sa bawat gabi, iba't ibang klase
ang tinik na iyong inilalarawan
sa amin ng aking kapatid.
Mayroong maliit at malaki,
kadalasa'y matalim, nakakahiwa
kaya't ikaw puno ng sakit.

Sa tuwing aking ipinipinta sa isipan
ang mga tinik sa iyong rosas na namumula
ako ay lubos na nagpapasalamat
pagkat ang tinik sa aki'y
hindi kasing talim at sakit ng sa'yo
bagkus mas malambot at kakaunti.

Aking iniisip kung paano kita matutulungan
gayong alam ko namang mas alam mo
ang tamang gamitin upang tanggalin
ang mga tinik na pumapaligid
sa iyong rosas na mas malago
at mas mapula kumpara sa akin.

Siguro ang maari ko lang gawin
ay samahan at tabihan kang
tanggalin ang mga tinik na makapit,
kasi 'di pa kasing ganda ng iyo ang sa akin,
bagong tubo pa kaya't nahihiya pang
tumingala kay haring araw sa langit.

Pagkatapos mong ilarawan ang 
bawat tinik, ka'y aking aayain 
sa kaharian ng ating Kapatid,
ito'y ating ibubulong sa kanya
nang sa gayo'y ang hapdi na dulot ng tinik
tiyak kanyang papawiin at pagagalingin.

No comments: